Trayanggol
At ang mundo ay muling iikot
sa palad ng mga ganid;
dahil pilitin mang baligtarin ang tatsulok,
ang kakaunting makapangyarihan
ay makatutuntong sa pedestal ng ginhawang
nakapatong sa mga balikat ng higit na nakararami
Pawis ay tatagaktak
sa bugbog na katawan --
sa pagpupursiging mapakain
ang mga bibig na nakanganga.
Dugo ay dadanak
sa walang katapusang hangaring
maitaguyod ang mga karapatang
hamak na mga salita lamang.
At sa ingay ng sama-samang mga tinig
at magkakabigkis na puso,
tanging halakhak ang maisusukli ng mga nakaupo
habang lasing sa kanilang tinatamasa.
Dahil sa ang paghihirap ay bukal ng lakas,
ang pagkadala ng mga aba ang siyang magbubukas
ng impyerno
upang hilahin ang mga nakatataas
mula sa kanilang kalangitan.
Sa isang lipunang maging si Hudas ay tila kagalang-galang,
ang mangarap ay may katumbas na malaking halaga
Halagang sisingilin sa dignidad
o dili kaya'y sa sariling buhay.
[Mula sa Bagong Sibol, Pilipino Star Ngayon, 14 November 2005 issue]
==
Tatsulok. Dahil makapangyarihang mayayaman lamang ang nasa ituktok. Tatsulok. Dahil muling inaawit ni Bamboo ang dating himig ni Cabangon. Tatsulok. Dahil iyan ang tema ng bagong post ni JUN. Tatsulok. Dahil maraming naging luhaang biktima ang mga pyramid scam at MLM. Tatsulok. Para sa alaala ng "magic pyramid" ni Ernie Baron. Isama na rin natin si Johnny Midnite. At ang kanilang mga teyoriya mula sa misteryosong enerhiyang nagmumula sa Pyramid of Ginza. Tatsulok. Ang karaniwang korte ng mga talismang nabibili sa Quiapo. Tatsulok. Diyan din iniwangis ang mga mapanganib na paputok. Tatsulok. Dahil naalaala ko ang food nutrition pyramid. Tatsulok. Dahil sa mga batang tumatatse sa suluk-sulok ng mga estero. Tatsulok. Dahil iyan ang hugis ng bawat kaputol ng napakasarap na Toblerone.


